Nakatakdang humarap sa Miyerkules, September 16, ang mga energy stakeholders sa Kamara upang magpaliwanag sa nararanasang serye ng brownout sa Visayas at Mindanao.
Ito ang inihayag ni Negros Occidental Representative Javier Miguel Benitez kasunod ng paghahain ng House Resolution 1430 para imbestigahan ang mga power interruption at mataas na singil sa kuryente sa Visayas.
Sa resolusyon, inaatasan ang House Committee on Energy na magsagawa ng investigation in aid of legislation kaugnay ng 30.85 percent na pagtaas sa ancillary services rate na naramdaman ng mga consumer sa kanilang August 2026 bill.
Kasama rin sa sisiyasatin ang sunod-sunod na red at yellow alerts sa Visayas Grid mula May hanggang August na nagdulot ng malawakang brownout sa Cebu, Iloilo, Bohol, at iba pang lugar.
Inaasahang magpapaliwanag sa pagdinig ang DOE, ERC, NGCP, NEA, NAPOCOR, TransCo, Philippine Electricity Market Corporation, at Independent Electricity Market Operator of the Philippines.
Layunin din ng imbestigasyon na matukoy kung may kapabayaan sa pagpapatupad ng mga power projects at kung kinakailangan ang refund, multa, o pagbabago sa EPIRA upang maprotektahan ang mga consumer.