Kasabay ng paggunita sa ika-20 anibersaryo ng ASEAN Agreement on Disaster Management and Emergency Response o AADMER, nanawagan ang mga lider ng rehiyon ng agarang pagbabago sa pagtugon sa mas mabilis at mas komplikadong mga sakuna.
Ayon sa pamunuan ng ASEAN, hindi na sapat ang dating paraan ng proteksyon sa mga imprastraktura lamang, dahil nagdudulot na ngayon ng systemic at cascading crisis ang mga kalamidad—kung saan ang pagbaha ay maaari nang magpatumba sa kuryente, telekomunikasyon, at operasyon ng mga ospital.
Ipinunto rin ang pangangailangan para sa mas maagap na hakbang sa ilalim ng “One ASEAN, One Response” declaration upang matiyak na patuloy na gagana ang lipunan sa gitna ng matitinding krisis dulot ng climate change at mabilis na urbanisasyon.
Nakatakda namang balangkasin sa kumperensya ang AADMER Work Programme 2026 to 2030 bilang gabay sa pangmatagalang katatagan ng buong Timog-Silangang Asya. | ulat ni Ej Lazaro