Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 araw ang lisensya ng driver ng SUV na nakasagasa sa isang apat na taong gulang na batang babae sa Pinagbuhatan, Pasig City.
Nangyari ang insidente noong Huwebes sa Victorino Street, malapit sa Pinagbuhatan Arch ng lungsod. Batay sa report ng LTO, tumatawid ang bata nang tamaan ng harapang bahagi ng SUV at masagasaan ng gulong.
Sa CCTV, makikitang bumibili lang ng pagkain ang bata bago ang insidente. Isinugod siya sa Prime Hospital, pero idineklarang dead on arrival.
Nag-isyu rin ang LTO ng Show Cause Order laban sa driver at rehistradong may-ari ng SUV, na pinapagpaliwanag sa September 22.
Kabilang sa tinitingnang paglabag ang reckless driving at improper person to operate a motor vehicle.
Inilagay na rin sa alarma ang SUV habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
