Photo courtesy of Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña
Pormal nang naghain ng reklamo sa National Bureau of Investigation o NBI si Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña laban sa ilang online influencers dahil sa umano’y paglabag sa Magna Carta for Persons with Disabilities at Safe Spaces Act.
Kabilang sa mga inireklamo ang hindi bababa sa 30 social media accounts na umano’y naglalaman ng pambabatikos at pangungutya sa kanyang physical features bilang stroke survivor, gayundin ng homophobic at iba pang mapanirang komento.
Diin ni Cendaña, hindi lamang ito personal na laban kundi panawagan para maprotektahan ang iba pang persons with disabilities na nakararanas ng online bullying, harassment, pangungutya at diskriminasyon.
Aniya, dapat ding masaklaw ng mga batas ang mga ganitong pag-atake sa digital spaces, dahil hindi dapat maging lugar ang social media para manghiya o mang-dehumanize ng PWD.
Hiniling niya sa NBI na tukuyin ang mga nasa likod ng mga account, imbestigahan ang mga umano’y paglabag at mapangalagaan ang digital evidence. Nauna na rin siyang humingi ng aksyon sa National Council on Disability Affairs kaugnay ng mga online attacks.