Itinuturing ng Malacañang na delusional ang pahayag ng kampo ni Vice President Sara Duterte na magbitiw na lamang sa pwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., gayunrin ang pahayag nito na umano’y out of touch with reality ang pangulo.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, wala namang anomang legal na batayan ang mga pahayag na ito.
Aniya, ang naunang pahayag ni Pangulong Marcos Jr., na “you cannot force anyone to love you” ay tugon lamang sa personal na galit ni VP Sara sa dulo.
“Noong sinabi po niya, what can I do, you cannot force anyone to love you, nagre-refer po ito sa personal anger ng Bise Presidente na sa pananaw ng Pangulo ay siya iyong target, hindi po ito patungkol sa mga diumanong problema ng gobyerno.” -Castro
Hindi aniya ito patungkol sa anomang isyu sa Pilipinas.
“Definitely, the demand for the President to resign, without any legal basis and in order to put in place the principal of the Spokesperson is definitely, absolutely delusional.” -Castro.
Pagbibigay diin ni Castro, hindi sapat ang ambisyon upang mamuno sa bansa, dahil kailangan aniya ng sapat na kakayahan, sapat na kaalaman, at kahandaan sa mga mabibigat na usapin ng bansa.
Halimbawa ang mga kinakailangang strategic initiative para sa West Philippine Sea (WPS) at ng Pax Silica.
“So, madaling magbintang, madaling magsabi na walang nagagawa ang isang Pangulo, dahil mismo ang nagsasabi nito ay walang nagiging trabaho. Kaya hindi nila nakikita kung gaano kabigat ang mga gawain ng Pangulo at kung paano magtrabaho ang Pangulo. So, sa mga taong hindi nagtatrabaho, hindi nila nakikita ang taong tunay na nagtatrabaho.” -Castro. | ulat ni Racquel Bayan