Nanawagan ang Department of Education (DepEd) sa mga mambabatas na ibalik ang pondo ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program sa panukalang budget para sa 2027.
Ito ay matapos itong hindi makakuha ng alokasyon sa National Expenditure Program.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, kailangang maipagpatuloy ang programa lalo na kasunod ng pag-angat ng marka ng mga mag-aaral sa pinakabagong Programme for International Student Assessment (PISA).
Humihingi ang kagawaran ng P16.03 bilyon supplemental budget, at malaking bahagi nito ay para sa ARAL.
Sa School Year 2025-2026, nakatulong ang programa sa pagbaba ng bilang ng mga nahihirapang magbasa mula 6.7 milyon tungo sa 2.2 milyon.
Binigyang diin ni Angara na hudyat lamang ng pag-unlad ang mga bagong tala sa PISA. Karamihan pa rin aniya sa mga 15-taong gulang na mag-aaral ay nasa ibaba ng baseline at nangangailangan ng suporta. | ulat ni Diane Lear