Kinondena nina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senador Bong Go ang mga ulat ng karahasan, pandaraya at iba pang iregularidad sa unang BARMM parliamentary elections.
Ayon kay Zubiri, nakapanghihinayang na ang halalang matagal nang hinihintay ng mga Bangsamoro ay nabahiran ng mga ulat ng pamamaril, pagsabog, paninira ng ari-arian, vote-buying at panghihimasok sa mga balota.
Giit ni Zubiri, hindi dapat agawin ng dahas, pananakot o pandaraya ang karapatan ng mga Bangsamoro na malayang pumili ng kanilang mga lider.
Nanawagan ang Majority Leader sa COMELEC na imbestigahan ang lahat ng kredibleng ulat ng pandaraya at tiyaking lehitimong boto lamang ang maisasama sa final count.
Samantala, kinondena rin ni Go ang mga naiulat na armadong pag-atake at sagupaan na may kaugnayan sa halalan.
Hinimok din niya ang COMELEC na tiyakin ang integridad ng election returns at kaligtasan ng mga election personnel habang nagpapatuloy ang canvassing. Nanawagan din si Go sa mga awtoridad na panagutin sa batas ang mga responsable sa karahasan at tiyaking ang resulta ng halalan ay tunay na sumasalamin sa kagustuhan ng mga botante sa Bangsamoro.