Tinatayang nasa 253 megawatts (MW) ng battery storage facilities ang itatalaga sa iba’t ibang bahagi ng Visayas, partikular sa Cebu, Panay, Leyte at Negros upang maibsan ang kakapusan ng supply ng kuryente sa rehiyon.
Sa isang pulong balitaan sa Department of Energy (DOE) sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na ang kapasidad ng mga battery storage system ay magmumula sa mga renewable energy generating units at gagamitin sa mga oras ng pinakamataas na demand sa kuryente upang makatulong na madagdagan ang suplay.
Patuloy din makikipagtulungan ang kagawaran sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) upang agad na maisama ang kapasidad na ito sa grid.
Sa pamamagitan ng mga battery storage system, inaasahang madaragdagan ang kakayahan ng grid na magbigay ng suplay sa mga oras ng peak demand at makatulong sa pagpapanatili ng katatagan ng sistema ng kuryente.