Tutol ang Department of Tourism (DOT) sa planong permanenteng paglilipat sa Singapore ng isang mahalagang obra ng Pambansang Alagad ng Sining na si Carlos “Botong” Francisco.
Ito ay ang “Kalantiao at Lubluban,” na ipininta noong 1946.
Hiniling ni Jaime Alfonso Larence Ponce de Leon ng Leon Gallery sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na alisin ang pagkakatalaga sa naturang obra bilang Important Cultural Property.
Ayon sa petisyon, hindi umano makababawas sa mga mahahalagang likhang-sining ng Pilipinas o sa pambansang pamana ang pagbebenta at paglilipat ng obra sa National Gallery Singapore.
Pero ayon sa DOT, mahalagang mapangalagaan ang mga obra ng mga Pambansang Alagad ng Sining dahil hindi lamang umano ito mga mahalagang bagay, kundi bahagi ng kasaysayan, kultura, at pagkakakilanlan ng bansa.
Sinabi ng DOT na maaaring manatili sa Pilipinas ang obra habang pinahihintulutan itong maipakita sa mga international exhibition at magamit sa mga palitan ng kaalaman sa ibang bansa.
Samantala, nagsimula na ang NCCA noong Lunes sa pagtanggap ng mga komento at posisyon kaugnay ng petisyon.