Mananatiling mataas ang alerto ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) hanggang sa maiproklama na ang mga nanalo sa kauna-unahan at makasaysayang Parliamentary Elections dito.
Ayon kay AFP Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla, hihintayin nila ang kumpas ng Commission on Elections (COMELEC) kung kailan sila magbababa ng kanilang security posture.
Naka-suporta ang hanay ng AFP sa COMELEC gayundin sa Philippine National Police (PNP) para panatilihin ang seguridad gayundin ang kapayapaan sa rehiyon sa panahon ng halalan.
Kasunod nito, ibinunyag ng AFP ang posibilidad na may ilang banyagang nakikialam sa halalan sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga FAKE NEWS.
Sinabi ni Padilla, “MONUMENTAL” kasi kung ituring ang naturang halalan kaya’t hindi malabong subukin ng ilan ang integridad nito.
Ginawa ni Padilla ang pahayag kasunod ng ulat ng Philippine Army sa PNP hinggil sa ilang social media post na nagpapakalat ng mga maling impormasyon hinggil sa BARMM Parliamentary Elections.