Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isang Chinese Research vessel ang nanatili sa Bajo de Masinloc ng 28 araw o halos isang buwan.
Ayon kay AFP Special Spokesperson for the West Philippine Sea (WPS), retired and reserved Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, bagaman nanatili sa naturang bahura ang nasabing barko, wala namang indikasyong nagsagawa ito ng paghuhukay doon.
Paliwanag niya, kung may paghuhukay o drilling na gagawin ang naturang barko ng China, kinakailangan nitong maging stationary o hindi gumagalaw, taliwas sa kanilang obserbasyon.
Gayunman, binigyang-diin ni Trinidad na nananatiling iligal, mapangahas at mapang-udyok ang presensya ng naturang barko dahil sakop iyon ng 200 nautical miles Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Batay sa monitoring ng AFP mula September 8 hanggang 14, aabot sa 48 na barko ng China ang namataang paligid-ligid sa mga features ng Pilipinas sa WPS kung saan, pinakamarami rito ang sa Bajo de Masinloc.
