Kayang tindigan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang pahayag nito na tinanggihan ng bansang Austria ang hirit na political asylum doon ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ito’y makaraang tawaging ‘fake news’ ni Roque ang naging anunsyo ni Sec. Remulla hinggil sa estado ng asylum nito sa pulong balitaan sa Kampo Crame kahapon.
Nanindigan si Remulla sa impormasyong kanilang natanggap hinggil sa estado ng asylum doon ni Roque kaya’t hinihintay na lamang nila ang Red Notice para rito upang masimulan na ang pag-aresto.
Kasalukuyang nagtatago si Roque sa ibang bansa matapos itong maharap sa kasong Qualifed Human Trafficking dahil sa umano’y koneksyon nito sa kumpaniyang Lucky South 99 na isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Pampanga.
Sagot naman ni Remulla, mailalabas nila sa tamang panahon ang mga dokumento para patunayan kung sino sa kanila ni Roque ang nagsisinungaling.