Bukas si House Appropriations Committee Chair Mikaela Suansing na pag-aralan at gayahin ang modelong ipinatupad noon ng namayapang Albay Representative Edcel Lagman para sa aktibong partisipasyon ng Civil Society Organizations (CSOs) sa pagbuo ng pambansang budget.
Sa debate sa General Principles and Provisions ng 2027 General Appropriations Bill, binanggit ni Kamanggagawa Party-list Representative Eli San Fernando ang hinaing ng ilang CSO na tatlong minuto lamang ang ibinigay sa bawat grupo sa isinagawang People’s Budget Review.
Ayon kay San Fernando, hindi sapat ang tatlong minuto para maipaliwanag nang maayos at komprehensibo ang mga panukala ng mga CSO.
Nilinaw naman ni Suansing na hindi ang Appropriations Committee ang nagtakda ng format at oras ng presentasyon, kundi ang Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD), na namumuno sa House Task Force on People’s Participation.
Gayunman, sinabi ni Suansing na tiniyak ng kanyang komite na may mga vice chairperson na dumalo sa mga sektor na kinatawan ng mga CSO.
Iminungkahi ni San Fernando na balikan ang ginawa ni Lagman noong 2007 noong siya ang umupong Appropriations chair, kung saan aktibong isinama ang people’s organizations at NGOs bilang resource persons sa pagbusisi at pagbalangkas ng national budget.
Sinabi ni Suansing na mataas ang kanyang respeto kay Lagman at handa siyang tingnan at ikonsidera ang modelo nito para higit pang mapalakas ang partisipasyon ng mga CSO sa proseso ng budget.