📷 NCCA
Mariing tinutulan ng Department of Tourism (DOT) ang panukalang permanenteng paglilipat sa Singapore ng “Kalantiao at Lubluban,” ang sikat na 1946 obra ng Pambansang Alagad ng Sining na si Carlos “Botong” Francisco.
Kasunod ito ng petisyon na inihain ni Jaime Alfonso Larence Ponce de Leon ng Leon Gallery sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Hinihiling ng petisyon na alisin ang prayoridad at proteksyon sa nasabing painting bilang Important Cultural Property upang maibenta at maipatala ito sa National Gallery Singapore.
Ayon sa petisyon, interesado ang museo sa Singapore na bilhin ang painting simula pa noong bahagi ng 2026, basta’t payagan ng NCCA ang paglalabas at paglilipat nito sa ibang bansa.
Proteksyon sa Sining at Pamana ng Lahi
Sa isang pahayag, kinilala ng DOT ang interes ng National Gallery Singapore ngunit iginiit na dapat protektahan ang pambansang pamana at panatilihing may access dito ang mamamayang Pilipino.
“Hinihiling namin sa Komisyon na isaalang-alang ang petisyon batay sa kultural na kahalagahan ng Kalantiao at Lubluban, ang mga layunin ng National Cultural Heritage Act, at ang kahalagahan ng pagprotekta sa sining ng bansa para sa mga susunod na henerasyon,” pahayag ng DOT.
Nagmungkahi rin ang kagawaran ng mga alternatibong kasunduan, tulad ng pagpapahiram ng painting para sa mga pandaigdigang eksibisyon o scholarly exchange, upang maipagmalaki ang sining ng Pilipinas sa abroad nang hindi permanenteng inilalabas sa bansa ang kontribusyong ito.
Batas sa Cultural Heritage
Sa ilalim ng Republic Act 11961 o ang National Cultural Heritage Act, ang mga obra ng mga National Artist at Gawad sa Manlilikha ng Bayan ay awtomatikong itinuturing na Important Cultural Property—mga obrang may pambihirang kahalagahang pangkultura, pansining, at pangkasaysayan sa Pilipinas—maliban na lamang kung ideklara ng NCCA na hindi.
Binigyang-diin ng DOT na ang mga obra ng mga Pambansang Alagad ng Sining ay hindi lamang mahahalagang bagay kundi kasaysayan at identidad ng lahing Pilipino. Ang pagprotekta sa mga ito ay isa ring malaking pamumuhunan sa cultural tourism ng bansa.