Pinagtibay ng House Committee on Social Services ang dalawang panukalang batas na naglalayong magbigay ng tig-P12,000 taunang ayuda sa mga kwalipikadong minimum wage households, habang hinihikayat ang paggastos nito sa mga lokal na micro, small, and medium enterprises o MSMEs.
Layon ng panukalang Pambansang Agapay sa Pamilya at Maliliit na Negosyo o PAMANA Program na dagdagan ang purchasing power ng mga pamilyang minimum wage earners at mapalakas ang kita ng maliliit na negosyo.
Ayon kay Tingog Party-list Representative Jude Acidre, isa sa mga may-akda ng panukala, hindi lamang ito ordinaryong cash assistance dahil inaasahang babalik sa mga MSME ang perang gagastusin ng mga benepisyaryo.
Sa ilalim ng panukala, makatatanggap ang kwalipikadong pamilya ng tig-1,000 pesos kada buwan o 12,000 pesos kada taon sa pamamagitan ng PhilSys-linked digital wallet.
Kabilang sa maaaring benepisyaryo ang private-sector minimum wage earners at mga public-sector worker na hindi lalampas ang kita sa applicable minimum wage, gayundin ang ilang self-employed at informal workers.
Hindi naman kabilang ang mga tumatanggap ng 4Ps o katumbas nitong conditional cash transfer.
Nililimitahan sa 200 pesos kada araw ang maaaring gastusin, at maaari lamang itong gamitin sa accredited local MSMEs.
Hindi rin maaaring i-cash out, ilipat sa ibang account, o gamitin sa online gambling, alak at tobacco products.
Tinatayang mangangailangan ang PAMANA ng P64 billion hanggang P68 billion kada taon, na popondohan sa pamamagitan ng isang PAMANA Trust Fund.