Hindi na sapat ang simpleng pagtugon kapag nanalasa na ang kalamidad, ito ang isinusulong ngayon ng Office of Civil Defense (OCD) para sa mas agresibong pagtutok sa disaster prevention at mitigation upang matiyak ang kaligtasan ng publiko bago pa man tumama ang sakuna.
Ayon kay OCD Administrator at NDRRMC Executive Director Undersecretary Harold Cabreros, sumasailalim na ang bansa sa isang mahalagang paradigm shift mula sa pagiging reactive tungo sa predictive mode. Giit ng opisyal, dapat maging nasusukat ang bawat hakbang ng pamahalaan at ibatay sa siyensya at risk information ang mga early warning system.
Dagdag pa ni Cabreros, malaking ambag dito ang pagpapatupad ng Republic Act 12287 o ang Declaration of the State of Imminent Disaster Act, na nagbibigay-kapangyarihan sa mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng anticipatory action.
“We already had our paradigm shift from just being responsive or reactive, and we are now more on a predictive mode. We focus more on the prevention and mitigation, and so we need to invest more on preventing the risk and hazards that we are experiencing.”— Usec. Harold Cabreros, Administrator, Office of Civil Defense