Balik-normal na ang operasyon ng Mindanao Grid matapos ang dinanas nitong serye ng power plant outages.
Ibinahagi ni Department of Energy (DOE) Mindanao Electric Power Industry Management Division Chief Darwin Galang na pumalo na sa 2,807 megawatts ang kabuuang available capacity ng rehiyon, na sapat na sapat upang matugunan ang peak demand na naitala noong Martes na nasa 2,464 megawatts.
Nagsagawa na rin ng inspeksiyon ang DOE kasama ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa iba’t ibang energy facility sa Mindanao upang matiyak na maayos ang operasyon ng mga ito.
Kasama sa mga layunin ng nasabing inspeksiyon na suriin at kumpirmahin ang mga ulat ng outage upang matiyak na totoo ang mga teknikal na dahilan sa pagkawala ng supply.
Patuloy ding ipinatutupad ng pamahalaan ang mga kinakailangang hakbang upang maiwasan ang muling pagbaba ng suplay ng kuryente at mapanatiling matatag ang lebel ng enerhiya sa rehiyon.