Courtesy of Rep. Benny Abante/FB
Dapat na personal na sumagot si Vice President Sara Duterte sa mga katanungan hinggil sa kaniyang mga deklarasyon ng kayamanan.
Ito ang pahayag ni House Committee on Human Rights Chairperson at Manila Representative Benny Abante kasunod ng pagtutol ng depensa sa pagtestigo ni Atty. Karen Batu, ang officer-in-charge ng Central Records Division ng Office of the Ombudsman.
Sa gitna ng pagtestigo ni Batu, paulit-ulit na tumutol ang kampo ng depensa sa mga katanungang lumalagpas sa kung ano lamang ang nakasulat sa mga SALN.
Katwiran nila, walang personal na kaalaman ang tagapangalaga ng mga rekord (records custodian) sa mga impormasyong nakapaloob sa likod ng mga dokumento.
Ayon kay Abante, si VP Duterte mismo ang nasa pinakamagandang posisyon upang magpaliwanag sa mga nasabing impormasyon.