Nasa 33 pamilyang Malabueño mula sa iba’t ibang barangay ang boluntaryong lumipat mula sa mga tirahan sa waterways patungo sa St. Gregory Homes sa Barangay Panghulo, Malabon.
Kasabay ng relokasyon, binaklas din ng mga pamilya ang kanilang dating mga bahay at dinala ang kanilang mga gamit para matiyak na hindi na muling matitirhan ang mga lugar na itinuturing na danger zone.
Pinangunahan ng Community and Urban Poor Affairs Office (CUPAO) ang aktibidad, katuwang ang mga tanggapan ng city government, barangay, at partner agencies gaya ng NHA, CHR, PCUP, DENR, MMDA, DILG-NCR at PNP.
Ayon sa pamahalaang lungsod, bahagi ito ng patuloy na programa para sa maayos at makataong relokasyon ng mga pamilyang naninirahan sa mga lugar na lantad sa panganib.