Mariing pinabulaanan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pahayag ng Chinese Embassy na ilang ulit umanong nangako ang Pilipinas na aalisin o hahatakin ang BRP Sierra Madre mula sa Ayungin Shoal.
Ayon sa DFA, walang anumang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China na nag-oobliga sa bansa na alisin ang barko. Iginiit ng kagawaran na ang BRP Sierra Madre ay isang commissioned Philippine Naval vessel na permanenteng nakapuwesto sa Ayungin Shoal.
Muling sinabi ng DFA na ang Ayungin Shoal ay nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) at continental shelf ng Pilipinas, alinsunod sa UNCLOS at sa 2016 South China Sea Arbitral Award. Ayon pa sa kagawaran, ang Ayungin ay isang low-tide elevation at hindi maaaring lumikha ng sarili nitong maritime entitlements.
Dahil dito, sinabi ng DFA na ang paggamit umano ng China ng maritime law-enforcement powers sa Ayungin ay lumalabag sa sovereign rights at jurisdiction ng Pilipinas. Tinanggihan din ng kagawaran ang paglalarawan ng Chinese Embassy sa Philippine Maritime Zones Act o Republic Act Number 12064, na ayon sa DFA ay naaayon sa UNCLOS.
Nananatiling bukas ang Pilipinas sa dayalogo, diplomasya, at mapayapang paglutas ng mga alitan alinsunod sa international law.