Susuriin ng House Prosecution Panel kung naideklara nang buo ni Vice President Sara Duterte ang lahat ng kaniyang kayamanan sa kaniyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), pati na kung tugma ang mga ito sa kaniyang naiulat na kita.
Ginawa ni Private Prosecutor Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., ang pahayag kasunod ng pagharap ng opisyal ng Ombudsman na si Atty. Karen Bato sa paglilitis, kung saan nailatag ang mga numero ng kayamanan ng Bise Presidente sa loob ng 19 na taon.
Paliwanag ni Tolosa, ihahambing ng prosekusyon ang mga SALN ni Duterte sa mga rekord ng kaniyang buwis at hahanapin din ang iba pang mga ari-arian na posibleng hindi nakasaad sa mga opisyal na dokumento.
Batay sa SALN ni Duterte para sa taong 2025, may kabuuang ari-arian o total assets siya na ₱122,797,727.20 at mga pananagutan o liabilities na ₱24,141,596, kaya ang kaniyang net worth ay umaabot sa ₱98,656,131.20.
Ayon sa panel, gagamitin ang mga dokumentong ito bilang pangunahing basehan habang ipinagpapatuloy ng prosekusyon ang pagtalakay sa Article II ng impeachment.