Mas hihigpitan pa ng DENR-Environmental Management Bureau ang pagmonitor sa mapanganib na industrial chemicals na maaaring mapunta sa mga produkto at basura.
Ayon kay EMB Director Michael Drake Matias, tinalakay ito sa National Industrial POPs Stakeholder Workshop ng EMB at Basel, Rotterdam at Stockholm Conventions sa Quezon City.
Tinutukan sa workshop ang pagmonitor sa Persistent Organic Pollutants (POPs) mula sa paggawa at pag-import ng mga produkto hanggang sa paggamit at pagtatapon nito.
Pinalalakas din ang pagbabantay sa mga border para matukoy ang mga produktong maaaring may mapanganib na chemicals.
Kasama sa talakayan ang Food and Drug Administration, Fertilizer and Pesticide Authority at Philippine Economic Zone Authority, gayundin ang mga kinatawan ng industriya, mananaliksik at international experts.
Layunin ng mga hakbang na palakasin ang chemical management at itulak ang paggamit ng mas ligtas at makakalikasan na alternatibo. | ulat ni Rey Ferrer