Kasabay ng mabilis na pag-unlad ng artificial intelligence o AI, kinikilala ng ASEAN ang pangangailangang tiyakin ang ligtas at responsableng paggamit nito sa rehiyon sa pamamagitan ng mas matibay na mga patakaran at kooperasyon ng mga miyembrong bansa.
Sa press briefing bago ang 58th ASEAN Economic Ministers’ Meeting, sinabi ni DTI Undersecretary Allan Gepty na kabilang sa mga prayoridad ng ASEAN Digital Economy Framework Agreement o DEFA ang data privacy, cybersecurity, at responsableng pamamahala sa AI. Aniya, mahalagang magkaroon ng malinaw na regulasyon sa paggamit ng teknolohiya, kasabay ng pagsasanay sa mga mamamayan upang mapakinabangan ang AI at maiwasan ang mga posibleng panganib nito.
Ayon sa DTI, bahagi ng patuloy na kooperasyon ng ASEAN ang pagbuo ng mga polisiya upang matiyak na magiging ligtas, responsable, at kapaki-pakinabang ang paggamit ng AI sa rehiyon.