Nilinaw ng Korte Suprema na hindi ang mismong pagtataksil o marital infidelity ang pinaparusahan sa ilalim ng Anti-VAWC Law kundi ang psychological violence na nagdudulot ng matinding epekto sa asawa.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier, pinagtibay ng Supreme Court Second Division ang hatol na guilty laban sa isang lalaki dahil sa paglabag sa Anti-VAWC Act.
Ito ay matapos mapatunayan na iniwan ng lalaki ang kanyang asawa at dalawang anak noong 2010 para sumama sa ibang babae.
Sinabi ng misis na nagdulot ito sa kanya ng matinding pagdurusa, depression, pagkawala ng self-esteem at umabot pa sa puntong tinangkang tapusin ang sariling buhay.
Ayon sa Kataas-taasang Hukuman, sapat ang mga ebidensiyang ito para patunayang nagdulot sa babae ng mental at emotional suffering ang pag-iwan at pagtataksil ng kanyang asawa.
Binigyang-diin ng SC na bagama’t pwedeng maging paraan ang pakikipagrelasyon sa iba para maisagawa ang psychological violence, kailangan pa rin patunayan ang naging epekto nito sa biktima.
Dahil dito, pinatawan siya hanggang walong taong kulong bukod pa sa P100,000 na multa at P30,000 danyos at inatasan na sumailalim sa psychological counseling o psychiatric treatment.