Pinawi ni House Appropriations Vice Chair Jose Alvarez ang pangamba ng publiko sa posibleng epekto ng Pax Silica sa suplay ng tubig at kuryente sa bansa.
Sa interpelasyon ni Kabataan Party-list Representative Renee Co, nausisa kung may pag-aaral na ang ahensya sa magiging epekto ng proyekto sa suplay ng tubig, lalo na sa inaasahang epekto ng El Niño.
Ayon kay Alvarez, maraming suplay ng tubig ang Pilipinas na maaaring gamitin.
Gayunman, siya mismo ay tutol sa paggamit ng groundwater o tubig mula sa ilalim ng lupa dahil limitado lamang aniya ito.
Binanggit din niya ang isinasagawang assessment ng Department of Environment and Natural Resouces (DENR) sa Pampanga River at posibilidad na idirekta na lang ito sa project site.
Pagdating naman sa kuryente, iginiit ni Alvarez na dapat magdala ng sariling power supply ang Pax Silica, gaya umano ng ginawa ng kumpanyang Sumitomo sa Palawan na nagkaroon ng sariling 43-megawatt power plant.
Paalala naman ni Alvarez, na wala pang pinal na aplikasyon o kasunduan para sa Pax Silica at pinag-uusapan pa lamang ang mga requirement para sa proyekto.
Dahil dito, nanawagan siyang huwag munang mangamba o magpalabas ng konklusyon dahil maaga pa at kailangan munang pag-aralan ang magiging epekto nito sa tubig at iba pang resources.