Nanawagan si Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña sa mabilis na pagpapatibay ng mga hakbang para maprotektahan ang mga estudyante laban sa gun violence matapos ang pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.
Ipinaabot ni Cendaña ang pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima at sinabing lubhang nakababahala ang pagdami ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan.
Hanggang nitong alas-4 ng hapon, hindi bababa sa 3 ang nasawi batay sa tala ng PDRRMO South Cotabato.
Iginiit ni Cendaña na kailangang kumilos agad upang matiyak ang kaligtasan ng mga bata sa loob ng mga paaralan.
Saad naman ni AKBAYAN party-list Rep. Chel Diokno, ipinakikita ng panibagong insidente ng pamamaril sa paaralan ang pangangailangan para sa komprehensibong reporma upang matiyak ang kaligtasan sa ating mga eskuwelahan at mapigilan ang pagkakaroon ng access ng mga kabataan sa mga baril at iba pang armas.
Kaya naman kapwa nila ipinanawagan sa mga kasamahan sa Kongreso na ipasa na ang Child Safety Against Gun Violence Act o House Bill 10058.
Labis ring ikinalungkot at ikinabahala ni House Committee on Basic Education and Culture Chair Roman Romulo ang naganap na pamamaril sa Banga National High School.
Higit aniyang nakakaalarma ang insidente dahil hindi na ito basta isolated incident lalo’t may ganitong mga pangyayari na sa ibang mga paaralan nitong nakaraang mga buwan.
Hiling niya na palakasin ang pagtuturo at pagsasabuhay ng GMRC upang matutunan ng mga kabataan ang pagbibigay halaga sa buhay, gayundin ang pagpapalakas sa mental health support.
Apela rin niya sa publiko na huwag nang ipakalat pa ang mga video o larawan ng insidente.