Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 9642 o panukalang “New Espionage Act” na naglalayong palakasin ang depensa ng bansa laban sa espionage at mga makabagong banta sa seguridad.
Layunin ng panukala na iakma ang batas sa mga bagong paraan ng paniniktik na maaaring isagawa sa pamamagitan ng cyber networks, drones, financial channels at pag-target sa critical infrastructure.
Sa ilalim nito, pinalawak ang depinisyon ng espionage, kung saan ituturing nang krimen ang hindi awtorisadong paghawak o pagbubunyag ng classified information na nakapipinsala o maaaring makapinsala sa Pilipinas.
Saklaw din nito ang hindi awtorisadong pag-access sa mga plano ng critical infrastructure at defense facilities, gayundin ang ilegal na pagpasok sa mga protektadong pasilidad at national defense assets.
Itinuturing ding paglabag ang paggamit o pagkontrol sa mga kagamitang gaya ng drones, cameras, listening devices at tracking equipment para sa ipinagbabawal na surveillance o spying. Maaari namang maparusahan ng life imprisonment at multang P10 milyon hanggang P20 milyon ang espionage at conspiracy to commit espionage.