Tatalakayin ng mga economic minister ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang pagpapatupad at pagsusuri ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) sa 58th ASEAN Economic Ministers’ Meeting sa Maynila bilang bahagi ng mga hakbang upang mapanatiling matatag at competitive ang kalakalan sa rehiyon.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Allan Gepty, layunin ng mga pag-uusap na matiyak na ang mga umiiral na trade agreement ay makasasabay sa nagbabagong takbo ng pandaigdigang ekonomiya.
Kabilang sa mga isinusulong ang mas matatag na supply chains, mas episyenteng kalakalan, at mga patakarang makatutulong sa mga negosyo upang manatiling competitive sa gitna ng pandaigdigang hamon. Kasabay nito, pag-uusapan din ang modernisasyon ng iba pang kasunduan sa malalaking trading partners ng ASEAN.