Muling iginiit ni House Prosecution Panel Adviser Ace Barbers na dapat pantay-pantay ang pagpapatupad ng sub judice rule o Rule 18 ng Senate Impeachment Court.
Ito ay kasunod ng pagsusumite nina House prosecutor Terry Ridon at private prosecutor Jay Tolosa ng kanilang paliwanag matapos silang isyuhan ng Show Cause Order ng Senate Impeachment Court.
Giit ni Barbers, hindi lamang ang prosecution prosecutors ang dapat saklawin ng naturang patakaran, kundi maging ang mga abogado ng depensa, senator-judges at mismong respondent sa impeachment case.
Naniniwala rin si Barbers na hindi naman lumabag sa sub judice rule sina Ridon at Tolosa, bagama’t aminado siyang maaaring sumobra sila sa pagpapahayag.
Paliwanag niya, ang mga naturang pahayag ay mga expression lamang sa pagtatangkang gawing mas madaling maunawaan at maiugnay sa publiko ang usapin at hindi pagtalakay sa merito ng kaso o pagtatangkang impluwensiyahan ang mga senator-judge.
Samantala, sinabi ni Manila Representative Benny Abante na ang mga pahayag ng dalawang prosecutor ay pagsasabi lamang umano ng katotohanan at hindi niya nakikitang madaling maimpluwensiyahan ng mga ito ang mga senator-judge.