Posibleng maging bahagi ng talakayan sa 58th ASEAN Economic Ministers’ Meeting ang usapin ng taripa ng Estados Unidos sa ilang ASEAN member states, bagamat inaasahang tatalakayin ito sa bilateral level ng bawat bansang apektado.
Ayon kay DTI Undersecretary Allan Gepty, nakatuon ang ASEAN-US consultations sa pagpapalakas ng kooperasyong panrehiyon at hindi sa mga isyung partikular sa bawat bansa. Gayunman, sinabi niyang nagpapatuloy ang bilateral na negosasyon ng Pilipinas at Estados Unidos kaugnay ng usapin sa taripa.
Aniya, naisumite na ng Pilipinas ang mga hakbang upang tugunan ang mga alalahanin ng US, kabilang ang Joint Administrative Order laban sa pag-aangkat ng mga produktong gawa sa pamamagitan ng forced labor.
Umaasa ang pamahalaan na magiging positibo ang magiging pagsusuri ng United States Trade Representative habang nagpapatuloy ang pag-uusap ng dalawang bansa upang maresolba ang isyu sa taripa.