Muling nanawagan si Senador JV Ejercito para sa pagpasa ng batas laban sa political dynasty kahit aminado siyang nakinabang siya sa political dynasty nang una siyang pumasok sa pulitika.
Kasunod ito ng direktiba ng Supreme Court sa Kongreso na ipatupad ang probisyon ng 1987 Constitution tungkol sa pagbabawal sa political dynasties.
Ayon kay Ejercito, matagal na niyang sinusuportahan ang anti-political dynasty bills kahit noong miyembro pa siya ng Kamara.
Aniya, walang sinuman ang dapat magmonopolyo ng kapangyarihang pulitikal.
Pinunto rin ng senador na maraming Pilipino ang nais magsilbi sa gobyerno pero walang pagkakataong makapasok sa pulitika dahil wala silang pangalan, machinery o sapat na pondo.
Ngayong 20th Congress, naghain din si Ejercito ng panukalang batas laban sa political dynasties na kalauna’y isinama sa Senate Bill 1905, kasama ang pitong iba pang panukala.
Gayunman, hindi pa umuusad ang panukala matapos ang pagbabago sa liderato ng Senate Committee on Electoral Reform.
Si Senadora Risa Hontiveros ang dating chairperson ng kumite at sponsor ng panukala.
Pinalitan naman siya ni Senador Jinggoy Estrada, na ngayon ay suspended.