Hinikayat ni Senador Bam Aquino ang Department of Energy (DOE) na agad tapusin ang operational guidelines para sa LPG cylinder swapping o “Palit Tangke” centers para mabigyan ang mga consumer ng mas murang pagpipilian sa LPG.
Sa liham ni Aquino kay Energy Secretary Sharon Garin, humingi siya ng update sa proposed Joint Department Circular para sa pagpapatupad ng LPG Cylinder Exchange and Swapping Program sa ilalim ng Republic Act 11592 o ang LPG Industry Regulation Act.
Ayon kay Aquino, mahalaga ang palit tangke lalo na’t nasa ₱1,031 hanggang ₱1,536 ang presyo ng 11-kilogram LPG cylinder, depende sa brand at lokasyon.
Aniya, dapat malayang makapili ang mga consumer ng mas murang LPG mula sa authorized sellers, basta pasado sa safety requirements ang tangke.
Binigyang-diin din ng senador na brand owner, at hindi consumer, ang dapat sumagot sa gastos kapag luma, sira o kailangang ayusin ang LPG cylinder.