Hinimok ni Senate President Sherwin “Win” Gatchalian ang Department of Transportation (DOTr) na ipagpatuloy ang polisiya nito tungkol sa regular na pagko-commute ng top management ng ahensya para direktang maranasan ang kalagayan ng mga pasahero.
Sa budget hearing ng 2027 panukalang pondo ng DOTr, tinanong ni Gatchalian si Transportation Secretary Giovanni Lopez kung ipinagpapatuloy pa nito ang dating polisiya na pagko-commute isang beses kada linggo ng mga senior officials ng ahensya.
Kinumpirma ni Lopez na ginagawa pa rin niya ito, bagama’t hindi na nila ipinapaskil o ipinapakita sa publiko.
Ayon kay Gatchalian, mahalagang maranasan mismo ng mga opisyal ang sitwasyon sa public transportation para mas makita at maramdaman ang pangangailangan ng mga commuter.
Aniya, hindi naman kailangang i-post o i-live sa social media ang pagko-commute dahil bahagi na ito ng trabaho ng mga opisyal.