Pormal nang nagsumite ng kanyang sagot sa Senate Impeachment Court si legal spokesperson at private prosecutor Atty. Benjamin Tolosa, Jr. kaugnay sa isyu ng umano’y paglabag sa alituntuning sub judice.
Sa kanyang isinumiteng verified answer, iginiit ni Tolosa na putol at hindi nakita sa tamang konteksto ang mga pahayag niyang tinukoy ng korte sa ginanap na press briefing ng prosekusyon.
Paliwanag niya, may mga mahahalagang kwalipikasyon ang mga nasabing pahayag upang maunawaan ang buong punto ng mga ito.
Nilinaw din ng abogado na kailanman ay hindi niya sinabi na sapat na ang mga ebidensya para mahatulan si Vice President Sara Duterte.
Dagdag pa ni Tolosa, ang kanyang naging pahayag noon ay patungkol lamang sa desisyon ng prosekusyon na huwag nang iharap ang mga natitirang testigo dahil sapat na umano ang kanilang mga narinig.
Kaugnay naman ng usapin tungkol sa right against self-incrimination, sinabi ni Tolosa na pangkalahatang prinsipyo lamang ang kanyang tinukoy kung kailan maaaring gamitin ang nasabing karapatan sa iba’t ibang uri ng paglilitis, tulad ng sibil, kriminal, at administratibo.
Mariing itinanggi ni Tolosa na may balak siyang impluwensiyahan ang takbo ng mga paglilitis, at muli niyang pinagtibay ang kanyang paggalang sa eksklusibong kapangyarihan ng korte na suriin at timbangin ang mga ebidensya