Maituturing na “wrong timing” lamang ang pagkakataon ng mga kasong kriminal laban sa ilang senator-judges habang gumugulong ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at hindi ito awtomatikong patunay na may layunin itong manipulahin ang bilang ng mga botong kailangan para sa hatol na pagkakasala.
Ito ang binigyang-diin ni House impeachment team adviser at spokesperson Ace Barbers nang tanungin kung ang mga legal na hakbang na nag-aalis sa kakayahan ng mga senador na lumahok ay maaaring kuwestiyunin sa Korte Suprema bilang grave abuse of discretion.
Ayon kay Barbers, karapatan ng sinuman na dumulog sa Korte Suprema kung may nakikita silang pang-aabuso sa kapangyarihan.
Gayunpaman, giit niya, nakasalalay ang isyu sa pagkakaroon ng matibay na ebidensya laban sa isang akusado.
Dagdag pa niya, nakasalalay sa mga inilatag na ebidensya kung gawa-gawa lamang ang mga kaso o hindi, at hindi ito masusukat sa tiyempo o timing lamang.