Umakyat sa 44.5% ang modern contraceptive prevalence rate sa Pilipinas noong 2025. Mula ito sa 25% noong taong 1993.
Ayon kay Commission on Population and Development (CPD) Information Management and Communications Division Chief Mylin Mirasol Quiray, noong 2022 nasa 41.8% ang paggamit ng modern contraceptives sa bansa.
Indikasyon aniya ito na mas maraming Pilipino ang aktibong nagpa-plano ng kanilang pamilya.
Sa kabila nito, sinabi ng opisyal na kailangan pa ring tugunan ang paggamit ng traditional methods gaya ng withdrawal at calendar method na nasa 14.1% noong 2025.
Aniya, patuloy na bumababa ang bilang ng mga Pilipinong gumagamit ng traditional methods para sa family planning.
Gayunman, sinabi ni Quiray na malaki pa rin ang bilang ng mga gumagamit nito kapag isinalin sa aktwal na bilang ng mga tao.
Kaya naman, patuloy ang kampanya ng CPD para magbigay ng tamang impormasyon at tugunan ang myths at misconceptions tungkol sa family planning.