BANGA, SOUTH COTABATO, 19 Setyembre 2026— Personal na binisita ni Education Secretary Sonny Angara ang Banga National High School nitong Sabado kasunod ng trahedya ng pamamaril sa paaralan upang pangunahan ang mga agarang aksyon at magpaabot ng tulong sa mga naapektuhang pamilya at tauhan.
Nakipagpulong si Secretary Angara sa mga staff ng paaralan, mga magulang, mga pinuno ng lokal na pamahalaan at pulisya, upang ipag-ugnay ang mga emergency response, magpadala ng mga kritikal na psychosocial service, at tugunan ang mga usapin sa seguridad.
Ininspeksyon din niya ang paaralan, dumalo sa security briefing at debriefing session para sa mga guro at kawani, binisita ang burol ng mga biktima at pinalakas ang loob ng mga sugatan sa ospital.
Binigyang-diin ni Angara ang pangangailangan para sa agarang pagkalinga, ugnayan sa komunidad, at mga aktibong interbensyon sa mental health upang maiwasan ang mga katulad na insidente.
“No words can undo the grief and trauma felt by our families here in Banga. Our primary duty right now is care, providing real, sustained support to our learners, teachers, and personnel,” pahayag ni Angara.
Inihayag ni Angara na nakatuon ang Department of Education (DepEd) sa pag-aaral ng mga bata kaya hindi handa ang mga paaralan sa ganitong karahasan, kaya’t mahalaga ang tulong ng lokal na pamahalaan at komunidad.
“‘Yung security measures, kailangan talagang paigtingin dahil hindi talaga kami handa sa mga ganitong shootings. Naka-concentrate tayo sa academic performance ng mga bata,” ani Angara.
“Kailangang magsama-sama ang lahat ng komunidad dito, kabilang ang local government para sa pagpondo ng security guards,” dagdag ni Angara, na nagpasalamat sa panlalawigang pamahalaan sa pangunguna ni South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo Jr. sa pagpondo ng security guards sa eskwelahan.
Humiling ang DepEd sa mga opisyal ng barangay at mga tanod ng dagdag suporta sa mga police patrol, lalo na sa mga eskwelahan na walang sariling security guard.
Binigyang prayoridad din ni Angara ang maagang suporta sa mental health, at sinabing ang mga usaping may kaugnayan sa pag-uugali ng mga mag-aaral ay nangangailangan ng interbensyon ng buong komunidad.
“Pati ang mental health ng ating mga kabataan ay apektado na rin. Paigtingin natin ang ating interventions dahil minsan hindi ito halata. Minsan sinasabi ng mga guro na magaling at walang problema ang bata, pero mayroon palang mga problema. Kaya hiring tayo ng School Counselor Associates para makatulong nang malaki,” paliwanag ni Angara.
Agad na nagpadala ang DepEd ng mga tauhan upang magbigay ng Psychological First Aid (PFA) sa mga naapektuhang mag-aaral, guro, at kawani.
Alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pinabilis ng DepEd ang komprehensibong pagsusuri sa mga umiiral na gabay sa seguridad sa kampus sa pakikipagtulungan sa Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP).
Ipinanukala rin ni Angara ang pagbuo ng isang Joint School Safety Task Force kasama ang DILG at PNP para sa localized risk assessments sa mga paaralan at mas organisadong pagtugon.
Pansamantalang sususpindihin ang mga klase sa Banga National High School o ililipat sa remote learning habang binabantayan ng mga opisyal ang sitwasyon upang bigyang-daan ang malalimang imbestigasyon ng pulisya at ang patuloy na pagbibigay ng crisis intervention services.
Iginagalang ng DepEd ang hurisdiksyon ng PNP sa imbestigasyon at nanawagan sa publiko na igalang ang privacy ng mga naapektuhang pamilya at iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong balita o media content tungkol sa insidente. | DepEd Press Release