BANGA, SOUTH COTABATO, 19 Setyembre 2026—Nagmungkahi si Education Secretary Sonny Angara ng paglikha ng Joint School Safety Task Force kasama ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) upang magsagawa ng site-specific security audit sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Direktang tugon ang hakbang na ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasunod ng pamamaril sa Banga National High School, na pangatlong insidente ng pamamaril sa loob ng paaralan sa nakalipas na tatlong buwan.
Inatasan ni Pangulong Marcos ang DepEd, DILG, at PNP na magsumite ng assessment report na magrerekomenda ng mga konkretong polisiya upang maiwasan ang kaso ng karahasan sa mga campus.
“Hindi natin maaaring tanggapin na maging bahagi na lamang ng buhay ng ating mga anak ang mga pamamaril sa paaralan. Karapatan ng ating mga anak na makapag-aral nang walang takot. Karapatan ng mga magulang na maipadala sila sa paaralan nang alam na uuwi silang ligtas. Ito ang pananagutan natin sa bawat pamilyang Pilipino,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“In line with the President’s directive, DepEd will work with DILG and PNP to review the measures already implemented following previous incidents and identify remaining gaps in school safety,” pahayag ni Secretary Angara, na personal na bumisita sa Banga National High School ngayong araw.
“This operational framework is not intended to create another permanent bureaucracy, but rather to bring the agencies together to assess specific risks, identify gaps, and recommend concrete interventions. Since the circumstances and vulnerabilities of schools may differ from one area to another, we need to assess risks on the ground and identify interventions appropriate to each school and community,” dagdag ni Angara.
Susuriin ng mungkahing joint task force ang mga kritikal na bahagi ng seguridad sa campus, kabilang ang kontrol sa pagpasok sa paaralan, pag-uulat ng banta, emergency response, at pakikipag-ugnayan sa lokal na pulisya. Ang mga makakalap na datos ang magiging batayan ng mga konkretong aksyon sa antas ng paaralan, dibisyon, lokal, rehiyonal, at pambansang pamahalaan.
Kasama ng mga pagsusuri sa seguridad, nakikipag-ugnayan din ang DepEd sa PNP upang matukoy ang buong chain of events, partikular kung paano nakuha at naipasok ang baril sa paaralan, upang matugunan ang mga lapses sa kaligtasan.
Inihayag ng DepEd na hahayaan nitong matukoy ng opisyal na imbestigasyon ang mga katotohanan at magpapatupad ng kaukulang aksyon kung matukoy ang administrative liability sa ilalim ng mga tuntunin ng DepEd, habang nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ukol sa paglabag sa batas ukol sa mga baril.
Bukod sa mga hakbang sa seguridad, binibigyang-prayoridad din ng DepEd ang mental health at psychosocial interventions. Nagpadala na ito ng mga field personnel at specialized team sa Banga National High School upang magbigay ng agarang psychological first aid at tulong sa mga apektadong mag-aaral, kawani ng paaralan, at kanilang mga pamilya.
“Taos-puso akong nakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay. Walang magulang ang dapat makaranas ng ganitong sakit, at walang bata ang dapat matakot na pumasok sa paaralan,” sabi ni Angara.
“Nakikiramay din kami sa buong Banga National High School community. Ang aming pangunahing priyoridad ay ang suportahan ang mga apektadong mag-aaral, pamilya, at kawani ng paaralan, kabilang ang pagbibigay ng kinakailangang tulong-medikal at psychosocial,” dagdag pa niya. | DepEd Press Release