Pinatitibay ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga hakbang upang matugunan ang magkakaibang permitting process ng mga lokal na pamahalaan at mabawasan ang red tape, kasunod ng mga reklamong nakaaapekto ito sa pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.
Sa press briefing ng ASEAN 2026 Economic Ministers’ Meeting, sinagot ng DTI ang katanungan kung paano nito tinutugunan ang mga hamon sa magkakaibang requirements ng LGUs at mabagal na permitting process, matapos sabihin ng isang foreign company na naantala ang deployment ng kanilang electric vehicle charging stations dahil sa mga hindi magkakatugmang proseso.
Ayon kay DTI Undersecretary Ceferino Rodolfo, bago pa lamang ang EV charging industry kaya patuloy pang inaayos ang permitting system, lalo na sa antas ng mga lokal na pamahalaan.
Dagdag pa niya, malaking tulong ang Green Lane Program ng Board of Investments upang mapabilis ang pagproseso ng mga proyekto at matulungan ang mga investor sa pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno at LGUs.
Ayon sa DTI, mahalagang sabayan ng reporma sa polisiya ang pagpapabilis ng permitting process upang mapanatili ang tiwala ng mga mamumuhunan at makahikayat pa ng mas maraming investment na lilikha ng trabaho at magpapalago sa ekonomiya ng bansa.