Mismong si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon ang nagbigay-katiyakan na makikipagtulungan ang kanilang ahensiya sa imbestigasyon sa mga kinu-kuwestiyong flood control project sa Davao at Laguna.
Ayon kay Dizon, bukas sa pakikipagtulungan ang DPWH sa sinomang magsasagawa ng imbestigasyon, kabilang ang National Bureau of Investigation (NBI) at si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte.
Aniya ito man ay ongoing o bagong imbestigasyon at siyento porsiyentong ibibigay ng DPWH ang kanilang kooperasyon upang matukoy at matunton ang mga pinaghihinalaang, ghost at substandard flood control projects.
Wala ring sasantuhing lugar ang DPWH dahil kahit saan man ikasa ang imbestigasyon ay maaasahang nandoon din ang kanilang ahensiya upang tumulong na isiwalat ang katotohanan.
Nang tanungin kung na-red flag din ba ng DPWH ang parehong mga proyekto na na-red flag ng NBI, sagot ni Dizon na hayaan na lang gumulong ang kaso at ayaw nilang pangunahan ang pag-iimbestiga ng NBI.