Photo courtesy of PHIVOLCS
Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ang PHIVOLCS sa Bulkang Mayon ng 23 volcanic earthquake na may kasamang isang volcanic tremor na tumagal ng apat na minuto, ayon sa ulat ng ahensya ngayong September 19, 2026.
Umabot sa 1,258 tonelada kada araw ang sulfur dioxide flux ng bulkan batay sa pinakahuling monitoring ng ahensya nitong September 18, at namataan din ang banaag sa bulkan.
May taas na 600 metro mula sa crater ang plume ng bulkan na nasa katamtamang taas at napadpad sa hilagang-kanluran at hilaga-hilagang-kanluran.
Naitala rin ang panandaliang pag-impis ng bulkan, na may nagsisimulang pamamaga sa hilagang-silangang bahagi nito.
Sa ngayon, nananatiling nakataas ang Alert Level 2 sa Bulkang Mayon kaya mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometer Permanent Danger Zone at ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.
Pinaalalahanan din ng ahensya ang publiko sa posibilidad ng pagguho ng bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, uson, katamtamang pagputok, at pag-agos ng lahar sakaling magkaroon ng matinding pag-ulan.