Pinagtibay ng mga bansang kasapi ng ASEAN at mga international partner ang kanilang pangakong pabilisin ang pagpapatupad ng Sendai Framework for Disaster Risk Reduction 2015-2030 at ng AADMER Work Programme 2026-2030 upang higit na mapalakas ang kahandaan ng rehiyon laban sa mga sakuna bago ang itinakdang 2030 target.
Sa isinagawang sesyon ng ASEAN Ministerial Conference on Disaster Resilience sa Maynila, binigyang-diin ng mga eksperto ang pangangailangang maiakma ang mga polisiya sa lumalalang epekto ng climate change, mabilis na urbanisasyon at iba pang panganib. Iginiit din ng mga panelist na dapat nakatuon ang mga hakbang hindi lamang sa pagpapatibay ng imprastraktura kundi sa pagpapanatili ng mahahalagang serbisyo sa panahon ng kalamidad. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng mas epektibong monitoring, mas matatag na ugnayan ng disaster risk reduction at climate adaptation, at mas malawak na partisipasyon ng pribadong sektor.
Kabilang sa mga pangunahing rekomendasyon ang pagpapalawak ng people-centered multi-hazard early warning systems at pagpapalakas ng anticipatory action sa pamamagitan ng siyensya, inobasyon at regional cooperation.
Inaasahang magiging bahagi ang mga rekomendasyong ito ng Manila Declaration, na magsisilbing gabay sa kolektibong pagkilos ng ASEAN bago ang taong 2030.