Mariing kinondena ng ilang senador ang panibagong school shooting sa Banga National High School sa South Cotabato kung saan tatlong estudyante, kabilang ang suspek, ang nasawi at anim ang naiulat na sugatan.
Ayon kay Senadora Risa Hontiveros, hindi dapat maging normal ang mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan.
Aniya, kailangang tugunan ang iba’t ibang aspekto gaya ng mental health, parental supervision, access sa baril, school security at epekto ng online platforms sa kabataan.
Kapwa rin nanawagan sina Sen. Bam Aquino at Sen. Loren Legarda para sa mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan at pagsusuri kung paano nakakuha ng baril ang menor de edad at kung may mga warning signs na hindi agad napansin.
Iginiit ni Senadora Legarda na dapat suriin ng Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP), Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga lokal na awtoridad ang firearm safekeeping, school security protocols, reporting mechanisms at access ng mga estudyante sa mental health at psychosocial support.
Iginiit naman ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na dapat pagtulungan ng pamilya, paaralan, simbahan, komunidad at pamahalaan ang pag-unawa sa ugat ng sunod-sunod na insidente at pagtitiyak sa kaligtasan ng mga estudyante.