Nanawagan si ACT Teachers party-list Representative at Deputy Minority Leader Antonio Tinio sa DepEd at mga lokal na opisyal na agad magbigay ng debriefing, counseling at psychosocial support sa mga estudyante, guro at pamilyang naapektuhan ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.
Ayon kay Tinio, hindi sapat ang pagsuspinde ng klase dahil kailangang tugunan ang mas malalim na epekto ng insidente sa isip at damdamin ng buong school community.
Hiniling din ng mambabatas ang isang masinsinan at transparent na imbestigasyon, kabilang ang pagtukoy kung saan nanggaling at kung paano nakuha ng suspek ang baril.
Iginiit ni Tinio na dapat managot ang mga responsable at alamin kung may mga naunang babala o senyales na hindi umano nabigyang-pansin ng mga awtoridad.
Nagpaabot naman siya ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi at nasugatan, gayundin sa mga kaklase, guro at buong komunidad ng paaralan.
Kasabay nito, sinabi ni Tinio na habang tinatalakay ang 2027 national budget, dapat tiyakin ng pamahalaan at Kongreso ang sapat na pondo para sa psychosocial services, guidance and counseling programs at iba pang hakbang para sa kaligtasan ng mga bata.
