Mahalaga ang pagbabantay sa cybersecurity at online environment upang maprotektahan ang mga kabataan laban sa posibleng impluwensya ng karahasan.
Ito ang tugon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla nang tanungin sa posibleng paggamit ng online platforms sa pag-iimpluwensya sa mga kabataan na gumawa ng karahasan sa mga paaralan.
Ayon kay Padilla, hindi lamang computer system, network, at data ang kailangan nilang protektahan kung hindi maging ang mga tao at information environment.
Ito ang dahilan kaya’t nagtatag ang AFP ng bagong units gaya ng Cyber Command at Civil Military Operations para tugunan ang mga bagong banta gaya ng information at cognitive warfare.
Binigyang-diin din ni Padilla ang kahalagahan ng critical thinking at iba pang mapanlinlang na mga impormasyon na maaaring pag-ugatan ng violent extremism.
Aniya, hindi lamang ang AFP ang dapat tumugon sa mga ganitong usapin at kailangan ang whole of government at whole of society approach.
Hinimok din ang mga magulang na alamin at gabayan ang online activities ng kanilang mga anak lalo na sa social media, gaming, at iba pang online platforms.
Samantala, sinabi ni Padilla na nakikipag-ugnayan na ang AFP sa iba pang ahensya ng pamahalaan kapag may national security concerns habang ginagampanan ng iba’t ibang ahensya ang kanilang mandato.