Nagpadala na ng notice to terminate ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa Eah Builders dahil sa hindi katanggap-tanggap na delay sa mga proyekto nito.
Ayon kay Pasig Mayor Vico Sotto, ipaba-blacklist nila ang naturang kontratista dahil sa nakakahiyang resulta ng kanilang mga proyekto.
Paliwanag ng alkalde, sa Brgy. Buting ay mayroong RCBC Drainage System and Sidewalk project ang contractor na mahigit isang taon nang delayed at 49 percent pa lamang ang natapos.
Habang sa Brgy. Pinagbuhatan ay mayroong Interior Roads and Drainage System ang contractor na mahigit isang taon nang delayed at 46 percent pa lamang ang natapos.
Sa Brgy. Maybunga naman ay mayroon itong Road Reblocking and Drainage project na mahigit isang taon na ring delayed at 80 percent naman ang natapos.
Nagpadala na ng notice of delay ang LGU, ngunit sa kabila nito ay paulit-ulit na humihingi ng extension ang contractor.
Sa sandaling ma-terminate na ang kontrata, kukuha ng bagong contractor ang LGU para matapos ang proyekto.
Giit pa ni Sotto, pinalalakas nila ang kanilang project monitoring para matiyak na maipatutupad ang mga programa sa lungsod.
Humingi naman siya ng paumanhin at pang-unawa sa mga residente ng Pasig.