Photo courtesy of Land Transportation Office
Agad ipinag-utos ni Land Transportation Office (LTO) Chief Asec. Markus V. Lacanilao ang pagiisyu ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari ng motorsiklo at angkas nito na nambato ng batang sakay ng tricycle.
Batay sa viral video na nakarating sa LTO, makikitang nakasakay ang bata sa isang tricycle kasama ang kanyang ina nang batuhin ng mga sangkot ang bata na nagresulta sa pagkasugat nito.
Ayon sa paunang impormasyon, nagkaroon muna ng alitan sa pagitan ng mga sangkot bago ang insidente. Makikita rin sa video na hindi tinantanan ng mga sangkot ang biktima at kinukuhanan pa ito ng video habang sakay ng tricycle. Kapansin-pansin din na walang side mirror ang motorsiklo at hindi awtorisado ang mga helmet na suot ng rider at backrider.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang LTO para matukoy ang pagkakakilanlan ng rehistradong may-ari ng motorsiklo at rider, na nagresulta sa pormal na paghahain ng SCO laban sa kanila.
Inatasan na ang mga sangkot na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office sa Sept. 29 at pinagpapaliwanag kung bakit hindi dapat mapanagot sa Reckless Driving, paglabag sa Anti-Distracted Driving Act, Failure to Wear the Standard Protective Motorcycle Helmet, Failure to Require the Back Rider to Wear the Standard Protective Motorcycle Helmet, at Motor Vehicle Operating Without Accessories.
Inaatasan din ang rider na isuko ang kanyang driver’s license sa IID, na isasailalim sa 90-araw na suspensyon, habang inilagay naman sa alarm status ang naturang motorsiklo habang isinasagawa ang kaukulang proseso.