Binigyan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC ng 24 oras na ultimatum ang Reddit at Discord para magtalaga ng resident agent o local representative sa Pilipinas.
Ito ay para mapabilis ang koordinasyon ng mga platform sa mga awtoridad, lalo na sa mga banta sa mga bata at komunidad, kasunod ng insidente sa Banga National High School.
Inatasan din ang dalawang platform na magsumite ng plano para sa mas mahigpit na safety standards, mabilis na response mechanisms at age verification.
Nais din ng CICC na makiisa ang mga ito sa pagtugon sa Online Sexual Abuse or Exploitation of Children o OSAEC, Child Sexual Abuse or Exploitation Materials o CSAEM at Nihilistic Violence Extremism o NVE.
Hiniling naman ng CICC sa DFA na pangunahan ang coordination meeting kasama ang Reddit, Discord, Meta at iba pang platforms.
Babala nito, maaaring ipatupad ang mga kaukulang hakbang, kabilang ang paghihigpit sa operasyon o access sa platforms sa Pilipinas, kung hindi susunod ang mga ito sa itinakdang deadline.