Sesentro sa mga kontrata ng Davao City Hall sa GenCorp Industries Inc. ang inaabangang pagharap ng kapatid ni Vice President Sara Duterte na si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa Senate Impeachment Court.
Ayon kay House Prosecution Adviser at Spokesperson Ace Barbers, mahalaga at relevant ang magiging testimonya ni Mayor Baste dahil siya ang Head of the Procuring Entity (HOPE).
Matatandaang nauna nang inamin ni Mayor Baste na nagkaroon ang Pamahalaang Lungsod ng Davao ng 19 na transaksyon sa GenCorp na nagkakahalaga ng mahigit ₱33.2 milyon.
Iginiit niya na dumaan sa tamang proseso ang mga ito, at wala umano siyang alam na may kaugnayan ang pangalawang pangulo sa nasabing kumpanya base sa kanyang SALN.
Sa pagdinig nitong Martes, isiniwalat ni Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) Division Chief Rendell Sopeña na umabot sa 15 kontrata na nagkakahalaga ng ₱34,216,900 ang nakuha ng GenCorp mula sa Lungsod ng Davao.
Patunay ito sa mas malawak na datos na iniharap ni Sopeña, kung saan lumabas na nakakuha ang GenCorp ng kabuuang 49 kontrata na nagkakahalaga ng ₱35,878,188 mula sa tatlong ahensya ng pamahalaan sa panahon ng termino ni VP Sara bilang Bise Presidente.
Si Mayor Baste ay opisyal na pinadalhan ng subpoena sa hiling ng prosekusyon upang lalo pang mapalakas ang ikalawang artikulo ng impeachment (Article II) laban sa Bise Presidente na may kinalaman sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman o unexplained wealth.