Magtitipon sa Maynila ang mga pandaigdigang eksperto, regulator, developer, supplier at investor sa nuclear energy habang isinusulong ng Pilipinas ang paghahanda para sa paggamit ng nuclear power. Gaganapin sa Oktubre 20 hanggang 21 ang World Nuclear Supply Chain Conference 2026 at Philippine International Nuclear Energy Forum 2026 sa Grand Hyatt Manila sa Bonifacio Global City, Taguig.
Pangungunahan ng Department of Energy at World Nuclear Association ang pagtitipon, na nakatuon sa mga usapin tulad ng financing, supply chain, workforce development, industrial readiness at mga regulasyong kailangan para sa ligtas at episyenteng pagpapatupad ng nuclear power projects.
Sa ilalim ng Philippine Energy Plan, target ng bansa na magkaroon ng hindi bababa sa 1,200 megawatts na nuclear capacity pagsapit ng 2032. Inaasahang tataas ito sa 2,400 megawatts sa 2035 at 4,800 megawatts pagsapit ng 2050.
Pinalakas naman ang institutional foundation ng programa matapos maisabatas noong Setyembre 2025 ang Republic Act No. 12305, o Philippine National Nuclear Energy Safety Act, na nagtatakda sa pagtatatag ng Philippine Atomic Energy Regulatory Authority bilang isang independent nuclear regulatory body.
Ayon kay Energy Secretary Sharon S. Garin, hindi lamang teknolohiya ang kailangan para sa nuclear energy program. Kailangan din aniyang palakasin ang mga institusyon, eksperto at lokal na industriya upang matiyak ang ligtas at pangmatagalang pagpapatupad ng programa. Layunin din ng pagtitipon na mapalakas ang pakikipagtulungan ng Pilipinas sa international nuclear community.